Moments of Reflections with God (September 1, 2024 - 22nd Sunday in Ordinary Time)
Вставка
- Опубліковано 8 лют 2025
- September 1, 2024
22nd Sunday in Ordinary Time
Gospel Reading: Marcos 7:1-8. 14-15. 21-23
Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.
Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:
‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan, ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya.
“Sapagkat sa loob - sa puso ng tao - nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Paano tayo sumusunod sa mga batas?
Mga kapananampalataya, tayo ay nasa ikadalawampu't dalawang linggo sa karaniwang panahon. Mababasa natin sa ating ebanghelyo ang pagsita kay Hesus dahil sa hindi pagsunod ng kanyang mga alagad sa mga patakaran sa paglilinis bago kumain. Subalit makikita natin kung paano sila sinagot ni Hesus na mula kay Propeta Isaias. Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan, ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.
Makikita natin kung paano ang mga pariseo at nakatuon lamang sa puro panlabas lamang. Na minsan ay nagdudulot ito ng mababaw na dahilan ng pagturing nila sa iba na hindi sumusunod sa mga batas nila bilang marumi at hindi kabilang. Subalit para kay Hesus ay hindi problema ang pagsunod sa mga batas, bagkus ang pinakamahalaga ay ang nilalaman ng iyong puso. Ang nilalaman ng ating puso ay ang maglalapit o maglalayo sa atin sa Diyos.
Ang mga batas, lalo na ang ginawa ng mga tao, ay ginawa upang magkaroon tayo ng tiyak na kaayusan. Subalit kung paano natin susundin ang mga ito ay hindi katiyakan na tayo at nagiging tapat sa ating Diyos. Suriin natin kung paano tayo sumusunod sa mga mga batas. Ito ba ay lalong naglalapit sa atin sa Diyos o lalo lang tayong lumalayo dahil sa pagsunod sa mga ito?
Ang totoong pagsunod sa kabanalan ng Diyos ay hindi patungkol sa kung gaano tayo kalinis sa ating pisikal na kaanyuan. Bagkus, ito ay sa pagkakaroon ng malinis na puso at kalooban kagaya ng kalinisan ng kalooban at pagmamahal ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Kristo.
Harinawa, sa pagsunod natin sa mga batas at patakaran ng lipunan ay mapanatili natin ang kalinisan at kadalisayan ng ating mga puso at kalooban.
Panginoon, alam mo ang nilalaman ng aming mga puso at kalooban. Tulungan mo kaming maging magkaroon ng dalisay at malinis na puso katulad ng iyong puso. Amen.