Moments of Reflection with God (February 2, 2025 - 4th Sunday in Ordinary Time)
Вставка
- Опубліковано 8 лют 2025
- February 2, 2025
4th Sunday in Ordinary Time
Presentation of Our Lord in the Temple
Gospel Reading: Lucas 2:22-40
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa Kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa: Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Ano ang maibibgay mo sa Diyos?
Mga kapananampalataya, tayo ay nasa ikaapat ng linggo sa karaniwang panahon. Ngayong araw ding ito ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo o mas kilala sa tawag na presentation of our Lord in the temple.
Isa sa mga tradisyon ng mga Hudyo ay ang pagdadala sa mga panganay na anak, lalo na kapag ito'y lalaki, sa templo upang ialay sa Diyos. Ito ay ayon sa kautusan sa kanila simula pa noong panahon ni Moises. Kailangan din nilang mag-alay ng mga handog na hayop na susunugin. Ang mga ito ay sinunod ng banal na mag-anak nina Hesus, Maria at Jose.
Una nating makikita sa ating ebanghelyo ay ang pagsunod sa kagustuhan at kautusan ng Diyos. Dapat sa lahat ng ating gagawin, ang Diyos, at pagsunod sa kanyang kagustuhan ang dapat nating prayoridad na isipin at gawin. Sa pasimula ng kanilang mag-anak, ginawa nina Jose at Maria ang bagay na alam nilang magiging kalugod lugod sa Diyos. Ito ay ang pag-aalay kay Hesus sa templo.
Mahalaga sa mga Hudio ang panganay na anak. Dahil siya ang tinatawag na nagbukas ng sinapupunan ng kanyang ina. Kaya nga ang tawag sa kanya ay best fruit of the mother's womb. Sa pag-aalay natin sa Diyos, dapat siya ang una. Dapat sa Diyos ang pinakamaganda at pinakadalisay. Kapag tayo nagbigay sa Diyos, dapat ay yung the best, the best na handog, the best na bagay, the best na talento, the best na oras. Hindi yung latak o tira tira na lang ang napupunta sa kanya. Dahil the best din naman ang ibinigay sa atin ng Diyos. Ito ay ang kanyang minamahal ng anak na si Hesus.
Mababasa din natin sa ating ebanghelyo si Simeon, isa sa pinakatapat na lingkod ng Diyos. Noong makita niya si Hesus, hiningi na niya na siya ay kunin na ng Diyos, dahil nakita na niya ang magdadala ng kapayapaan sa Israel at sa buong mundo. Kung kayat nais na niyang mamahinga sa katahimikan ng Diyos. Handa na ba tayong mamahinga sa piling ng Diyos? Ang alam ko marami ang sasagot sa inyo na hindi pa. Ano nga ba ang dahilan natin? Baka kasi alam nating hindi pa natin talaga naibibigay ang ating the best sa Panginoon.
Harinawa sa pagtuloy na paglalakbay natin sa ating buhay pananampalataya, maisip natin palagi ang kagustuhan ng Diyos una sa lahat. Magbigay tayo ng the best sa Diyos upang balang-araw ay tayo ay mamahinga sa piling at kapayapaan ng Diyos.
Panginoon, tulungan po ninyo kaming parati na unahin ang magiging kalugod lugod sa Diyos bago ang lahat ng mga bagay upang kami ang makapagbigay ng the best namin. Sana po, marating namin ang katahimikan at kapayapaan sa piling ng Diyos. Amen.